Address
Metro Manila, Philippines
Sino ang mag-aakala na ang isa sa pinaka-matagumpay na burger business sa bansa ay nalugi pala. Tunghayan natin ang kwento sa likod ng tagumpay sa kilalang Ang Burger ng Bayan.
Ang mag-asawang Joseph at Victoria Mojica, bagama’t may mga trabaho ay tila hindi sapat upang magkaroon ng mas maayos na buhay ang buong pamilya. Kaya pinasok nila ang food business. Inumpisahan nila ang Cholo’s Gotohan na hinango sa pangalan ng anak nilang si Carl Angelo. Nagbukas din sila ng isa pang negosyo ang Joma’s Bulalo na kinuha sa isa pang anak nila na si Jose Manuel. At nang makapag-ipon ay binuksan nila ang Angelica’s Hamburger noong 1997 na mula naman sa pangalan ng anak na babae. Sa halagang 20 thousand pesos sinimulan ang burger business at naka-pagpatayo ito ng 20 branches. Subalit talagang sinubok sila ng panahon at nalugi ito.
Kaya napagpasyahan ng mag-asawa na magtrabaho sa U.S. Inihabilin sa kapatid ni Victoria ang mga anak at ang mga naiwan na negosyo. Namasukan sila sa iba’t-ibang fast food restaurants at natuto pa sa pagluluto. Minsan ay inanyayahan sila ng isang pinsan na magpunta ng Las Vegas at swerte naman na nanalo sa slot machine si Victoria sa halagang 10 thousand US dollar o 500 thousand pesos sa halaga noon. Ang napanalunan nila ay inuwi nila sa Pilipinas at naisipan na muling buhayin ang naluging burger business.
Pinalitan nila ang ayos ng negosyo at marketing strategy. Naitayo ang Angel’s Burger na pumatok naman sa masa dahil sa panibagong lasa ng nito. At mas umarangkada pa sila noong inilabas ang buy 1 take 1 promo ng Angel’s Burger. Dahil naging patok ito ay nagbukas na rin sila para sa franchising nito. Ang dating 20 branches ay nasa mahigit 1,800 branches na sa buong bansa. Sa ngayon ay ang anak na si Cholo ang presidente na ng kompanya. Habang ang anak na si Angel ay nagtayo rin ng sariling food business kasama ang mga pinsan na tinawag na Fat Cousins. Ayon kay Angel ang negosyo niya ay parang high-end version ng Angel’s Burger dahil nag-alok rin sila nito ng iba pang pagkain tulad ng roast beef at baby back ribs.
Ang sipag at hindi pagsuko ng mag-asawa ay ang naghatid sa kanila sa tagumpay. Kilalang-kilala na nga ngayon ang kanilang negosyo at patuloy pa rin sila sa pagsasaliksik sa mas pinasarap na timpla ng kanilang burger. Tunay na kahanga-hanga ang determinasyon ng mag-asawa. Nalugi man ngunit muling bumangon.